Tagalog: ICL statement – Raise the red banner of Unification under MLM to fulfill the tasks of the new situation!
We hereby share an unofficial translation that we have received.
Manggagawa ng Lahat ng Bansa, Magkaisa!
Sa ika-130 taon ng kapanganakan ni Tagapangulong Mao Tse-tung, ipagdiwang ang unang anibersaryo ng Pandaigdigang Komunistang Liga:
Itaas ang pulang watawat ng pagkakaisa sa ilalim ng MLM upang tuparin ang mga tungkulin sa bagong kalagayan!
Sa unang anibersaryo ng pagkakatatag ng Pandaigdigang Komunistang Liga (ICL), ipinapaabot namin ang aming matatag na makauring pagbati sa pandaigdigang proletaryado at sa mga mamamayan ng mundo. Ipinapahayag din namin ang aming pagsaludo sa Pandaigdigang Kilusang Komunista at sa mga Digmang Bayan, na sa gitna ng mga bagong bagyo ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at ng pinalalalang atake ng reaksyon, ay patuloy na nagbibigay ng oryentasyon at pamumuno: sa pamamagitan ng paglikha at pagpapanday ng mga Partido Komunista bilang mga instrumento ng pakikibaka para sa pagkakamit ng pampulitikang kapangyarihan.
Sa diwang puno ng proletaryong internasyunalismo, ipinapaabot namin sa sandaling ito ang aming nag-aalab na pagsaludo sa mga bayaning pakikibaka ng Pambansang Paglaban sa Palestina!
Sa taong ito, ipinagdiriwang ng mga komunista at mga rebolusyonaryo ang ika-130 taon ng dakilang timonero, si Tagapangulong Mao Tse-tung, na personal na nanguna sa dalawang pinakadakilang tagumpay ng proletaryado: Ang Rebolusyong Tsino, na nagbukas ng landas ng Bagong Demokratikong Rebolusyon sa mga inaaping bansa; at ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, isang titanikong labanan na nagpunla ng mga binhi sa buong mundo, na namulaklak sa kasalukuyang mga Digmang Bayan at sa bagong daluyong ng matatag na pakikibaka para sa muling pagbubuo ng mga Partido Komunista sa ilalim ng pamumuno ng Maoismo sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Sa ilalim ni Tagapangulong Mao Tse-tung, napaunlad ng kilusang proletaryo ang pinakamakapangyarihan at di-matatalong sandata nito—ang ideolohiya—sa ikatlo at bagong yugto ng Marxismo: ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang sandatang gagamitin ng proletaryado at ng mga mamamayan ng mundo upang walisin ang imperyalismo at reaksyon mula sa ibabaw ng daigdig.
Sa matinding galit ng uri, kinokondena natin ang lahat ng rebisyunismo at oportunismo.
Ang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa Tsina ay nag-iwan sa mga komunista ng kawalan ng batayang lugar para sa Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon. Tinatanggihan natin ang reaksyunaryong si Xi Jinping na, gamit ang kanyang “Kaisipang Xi Jinping” at pasistang “sosyalismo na may mga katangiang Tsino,” ay nagpapanggap na linlangin ang mga mamamayan ng mundo tungkol sa tunay na kahulugan ng sosyalismo at ng laban sa imperyalismo. Ngunit para sa proletaryado, walang ganap na pagkatalo; gaya ng itinuro ni Tagapangulong Mao, ang tanging lohika ng masa ay ang lumaban, mabigo, lumaban muli, mabigo muli, at patuloy hanggang sa tagumpay.
Ang mga pagpapanumbalik ng kapitalismo sa USSR noong 1956 at sa Tsina noong 1976 ay hindi makakapigil sa rebolusyonaryong pag-usad ng pandaigdigang proletaryado tungo sa ganap na pagkakamit ng kapangyarihan. Ang mga pagkatalong ito ay pansamantalang mga yugto lamang sa pag-unlad ng kontradiksyon sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon, kung saan humuhugot tayo ng mga aral upang maiwasan ang mga pagpapanumbalik sa hinaharap.
Ang Pandaigdigang Kilusang Komunista at ang Pambansang Kilusang Paglaya ay dumadaan sa mapagpasyang mga yugto; nasasaksihan natin ang simula ng panibagong pagliko sa laban sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon, at ang pagbubukas ng bagong panahon ng mga rebolusyon sa loob ng Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon.
Eksaktong isang taon na ang nakalipas, ipinahayag nang may makauring pagmamalaki at kabayanihan ang pagtatatag ng isang bagong pandaigdigang organisasyon ng proletaryado—ang Pandaigdigang Komunistang Liga (PKL). Labinlimang Partido Komunista at mga organisasyon ang nagkaisa sa ilalim ng Pinagkaisang Maoistang Pandaigdigang Kumperensya (PMPK) batay sa tatlong pangunahing linya:
- MLM (Marxismo-Leninismo-Maoismo),
- Ang paglaban sa rebisyunismo, at
- Ang Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon.
Ang Pinagsamang Deklarasyon ng mga Batayan at Prinsipyo ay naglarawan sa pagkakatatag ng ICL bilang isang “hakbang tungo sa ating muling pagkakaisa at sa pagdaig sa pagkakawatak-watak sa Pandaigdigang Kilusang Komunista (…) at isang bagong yugto ng organisadong pakikibaka para sa muling pagbubuo ng Pandaigdigang Komunistang Internasyonal sa ilalim ng pamumuno ng Maoismo.”
Makalipas ang isang taon mula sa mahalagang pangyayaring ito, ang kalagayan ng pandaigdigang sitwasyon ay binabagtas ng lalo pang paglalim ng mga batayang kontradiksyon, lalo na ang pangunahing kontradiksyon sa pagitan ng imperyalismo at ng mga inaaping mamamayan at bansa. Ang pangkalahatang krisis ng kapitalismo sa yugto ng imperyalismo ay umabot sa panibagong sukdulan, kung saan nagaganap ang mga kaguluhan at mga pagsabog ng makasaysayang kabuluhan.
Sa larangan ng ekonomiya, lumalalim ang pinakamalubhang krisis ng pandaigdigang sistemang imperyalista mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bumubuo ito ng batayan para sa matitinding krisis pampulitika, na lalong nagpapalala sa krisis pang-ekonomiya.
Ang imperyalismong US, bilang nag-iisang hegemonikong bansa, ay nasa pagbagsak at pinipilit sa lahat ng paraan na palakasin at palawakin ang posisyon nito. Gayunpaman, nahihirapan itong pigilan ang imperyalismong Ruso at ang sosyal-imperyalistang Tsina.
Ang kabiguan nito sa Syria at Afghanistan, at pati na rin sa digmaan sa Ukraine, ay malinaw na halimbawa ng lawak ng krisis pampulitika ng imperyalismo. Inuulit namin ang aming paninindigan na “Ang tanging daan pasulong para sa mga mamamayan ng Ukraine ay ang umasa sa sariling lakas at ipagtanggol ang bayan laban sa mga dayuhang mananakop at mga traydor na nagbebenta ng bansa.”
Mula sa inter-imperyalistang kontradiksyon, nabubuo ang tendensyang palawakin ang digmaang imperyalista, na ipinapakita sa pagtutulak ng militarismo at mga kontra-rebolusyonaryong opensiba.
Upang mapanatili ang posisyon nito, pinapalakas ng imperyalismong US ang hegemonikong ambisyon nito sa mga kaalyado, lalo na sa mga bansa sa NATO. Ngunit sa huli, lalong pinapalalim nito ang krisis at ipinakikita ang sarili bilang isang “higanteng may mga paa ng putik.”
Bagaman may malinaw na mga paunang senyales ng isang bagong pandaigdigang digmaan, ito ay hindi pa nalalapit. Tungkulin ng mga komunista na pamunuan ang lahat ng pwersang lumalaban sa sitwasyong ito at kusang bumabaling laban sa imperyalismo.
Ang pagtatasa sa Deklarasyon ng mga Prinsipyo na “…ang kilusan laban sa digmaang imperyalista ay lalago kasabay ng pag-aalsa laban sa pagsasamantala at pang-aapi sa uri at sa lumalalang kahirapan ng masa…” ay napatunayang tama at makabuluhan. Bukod sa mga kilusang masa sa mga inaaping bansa, tumitindi rin ang mga pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan sa mga bansang imperyalista, gaya ng malalaking pag-aalsa ng masa sa Pransya.
Sa panig ng pandaigdigang proletaryado at ng mga inaaping mamamayan at bansa, nasasaksihan natin ang pagbubukas ng isang bagong daluyong ng mga rebolusyon—sa hindi pantay na pag-unlad—na umuunlad at nagkakaroon ng momentum. Ang mga Digmaang Bayan na pinamumunuan ng mga partidong Marxista-Leninista-Maoista sa Peru, India, Turkey at Pilipinas ay hindi lamang nakalampas sa mga atake ng kontra-rebolusyon, kundi nakabuo rin ng mga bagong inisyatiba at nagawang umabante, kasabay ng paghahanda para sa mga bagong Digmang Bayan. Sa mga inaaping bansa, patuloy na umuunlad ang mga kilusang magsasaka sa napakalaking antas, at kung saan sila ay nasa ilalim ng proletaryong pamumuno, nagiging malinaw ang kanilang papel bilang pangunahing pwersa ng Bagong Demokratikong Rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.
Sa pamamagitan ng opensiba ng Pambansang Digmaang Paglaban ng Palestina, hindi lamang pumasok sa bagong yugto ang pakikibaka para sa isang malaya at nagsasariling Palestina, kundi bumuti rin ang mga kondisyon para sa pandaigdigang anti-imperyalistang pakikibaka. Ito ay isang “matulis na sibat na tumusok sa halimaw na imperyalista, na sa pamamagitan ng halimbawa ay nagbibigay-inspirasyon at nananawagan sa proletaryado at mga inaaping mamamayan ng mundo na lumaban at tumutol,” tulad ng aming inilahad sa deklarasyon noong Oktubre 8. Muli naming binibigyang-diin dito ang aming panawagan na tungkulin ng mga komunista ang manguna sa kilusang ito upang ipatupad ang unibersal na turo na ang pagpapalaya ng isang bansa sa ilalim ng imperyalismo ay maaari lamang magtagumpay sa ilalim ng proletaryong pamumuno.
Mga kasama, hindi ba’t ang pag-unlad ng pandaigdigang sitwasyon ay isang malinaw na patunay na ang pagkakatatag ng Pandaigdigang Komunistang Liga (PKL) ay naganap sa tamang panahon? Na ang pakikibaka para sa muling pagkakaisa ng mga komunista sa pandaigdigang antas ay tumutugon sa pangangailangan ng obhetibong kalagayan? Nakikita natin na ang mahahalagang pagtatasa at kahulugan sa Deklarasyon ng mga Batayan at Prinsipyo ay nagkaroon ng paglalapat sa sitwasyong ito at naisakatuparan na, na isang mabuting panimulang punto para sa higit pang pagpapaunlad ng pakikibaka para sa mas malalim na pag-unawa sa proletaryong ideolohiya sa kongkretong kondisyon.
Ang rebolusyonaryong pagkakaisang nakamit sa Pinagkaisang Maoistang Pandaigdigang Kumperensya (PMPK) sa pamamagitan ng dalawang-linyang pakikibaka, sa ilalim ng watawat ng mga dakilang klasiko na sina Marx, Engels, Lenin, Stalin, at Tagapangulong Mao Tse-tung, ay dapat paunlarin bilang isang buhay na pagkakaisa na dapat pang pagtibayin at palawakin sa pamamagitan ng pagpapalalim ng talakayan at pagpapalakas ng dalawang-linyang pakikibaka. Mahigpit nating panghahawakan ang mga turo ni Stalin, na sa gitna ng pagtatatag ng Komunistang Internasyonal, ay iginigiit ang pagbuo ng dalawang-linyang pakikibaka “hindi sa abstraktong paraan, kundi sa kongkretong batayan ng sitwasyong pampulitika” kung saan isinusulong ng mga komunista ang kanilang pakikibaka.
Sa unang taon ng pag-iral ng Pandaigdigang Komunistang Liga, nakapaglabas ito ng kabuuang sampung deklarasyon at resolusyon at limang kampanya, na may mga pandaigdigang kaganapan, pagdiriwang, at daan-daang aksyon na umalingawngaw sa mahigit 25 bansa. Ang mga pandaigdigang kaganapan at aktibidad na inorganisa o sinuportahan ng PKL ay nagawang palawakin ang saklaw nito hindi lamang sa mga kasaping organisasyon ng PKL kundi sa labas nito, na mahalagang hakbang laban sa pagkakawatak-watak at pagkakahati.
Binabati namin ang lahat ng mga Partido, Organisasyon at mga Kasamang nag-ambag upang maisakatuparan ang mga gawaing ito. Gayunpaman, bukod sa mga tagumpay, kailangan din nating kilalanin ang ating mga limitasyon at kahinaan upang higit pang pagtibayin at palalimin ang mga hakbang na ito. Ang sitwasyon kung saan matatagpuan ang Pandaigdigang Kilusang Komunista ay masalimuot at malaki ang mga hamon. Samakatuwid, mahalaga na ipatupad ang mga tungkuling itinakda noong pagtatatag ng PKL, gayundin ang mga layuning tinukoy sa ating mga resolusyon at deklarasyon, nang may higit pang regularidad at kamalayan, kasabay ng paglaban sa subhetibismo.
Bukod dito, ang pagpapaunlad ng mga anti-imperyalistang aktibidad, kung saan ang pagtatanggol at suporta sa mga Digmang Bayan ang dapat maging pangunahing tunguhin, ay kasalukuyang may mahalagang papel upang palawakin ang hanay ng PKL at palawakin ang batayang masa ng mga kasaping organisasyon.
Ang pagkakatatag ng Pandaigdigang Komunistang Liga ay isang mahalagang rurok ng isang masalimuot na pakikibaka sa loob ng 40 taon upang mapagtagumpayan ang pagkakawatak-watak ng mga komunista at maitatag ang pagkakaisa sa batayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Mahalagang maunawaan ang prosesong ito, batay sa mga dakilang tagumpay ng Unang, Ikalawang, at Ikatlong Internasyonal, pati na rin sa mga ambag ng Komunistang Impormasyon na Kawanihan, upang maunawaan ang estratehikong kahalagahan ng tungkulin ng muling pagbubuo ng Pandaigdigang Komunistang Internasyonal. Itinuturo sa atin ng prosesong ito na ang proletaryong pagkakaisa ay palaging pinagtitibay hakbang-hakbang sa pakikibaka laban sa rebisyunismo, oportunismo, at pagkakawatak-watak.
Samakatuwid, dapat maging malinaw na bagaman hindi pa tuluyang napagtagumpayan ang dispersyon ng mga pwersa, nabaligtad na ang tendensya ng pagkakawatak patungo sa pagkakaisa. Ang ideolohikal, pampulitika, at pang-organisasyong pagkakaisang nakamit sa PMPK ay nagbukas ng pinto para sa higit pang pagpapaunlad ng dalawang-linyang pakikibaka, ang batas ng pag-unlad ng proletaryong pagkakaisa, sa mas mataas at mas organisadong antas.
Ang Pandaigdigang Komunistang Liga ay isang instrumento ng pakikibaka ng pandaigdigang proletaryado at ng mga inaaping mamamayan at bansa.
Ang mga obhetibong pangyayari ay nananawagan na palakasin at pagtibayin ang kasangkapang ito upang tugunan ang panawagan para sa organisasyon at pamumuno sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo. Ang mga dakilang unos-pampulitika na kasalukuyang nagaganap ay magiging isang panloob na lakas para sa mga komunista lamang kung ating tutuparin ang pangunahing tungkulin: gawing sentro ng pandaigdigang pagkakaisa at pagkakaisa ng partido ang nag-iisa at siyentipikong ideolohiya—dahil ito lamang ang totoo—at ilapat ito sa kongkretong kondisyon.
Dahil dito, ipinapahayag namin ang pangangailangan na doblehin ang ating mga pagsisikap sa ikalawang taon ng pag-iral ng Pandaigdigang Komunistang Liga (PKL). Sa isang banda, upang pagtibayin at isulong ang pandaigdigang pagkakaisa sa pamamagitan ng mga bilateral na pagpupulong, mga kaganapan, mga forum, mga talakayan, at pati na rin ang pakikiisa sa mga nagbigay ng kritika at pagdududa. Ang paghahati-hati at pagkakawatak-watak ay nagsisilbi sa rebisyunismo at nagbubukas ng espasyo para sa pag-usbong ng oportunismo. Samantala, ang pagkakaiba at pagkakaisa ay magsisilbing tulay upang tuparin ang pangunahing tungkulin ng Bagong Pandaigdigang Organisasyon: “ang paglaban para sa Maoismo bilang tanging giya at pamumuno ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon, ang pagsilbi sa konstitusyon o rekonsitusyon ng mga Marxista-Leninista-Maoistang Partido Komunista (ang natatanging estratehikong tungkulin) at ang pagsilbi sa pagpapasimula, pagpapaunlad, at koordinasyon ng mga Digmaang Bayan sa buong mundo para sa muling pagbubuo ng Komunistang Internasyonal.”
Sa kabilang banda, kinakailangan nating pagtibayin at palawakin ang batayang masa at palalimin ang pakikibaka sa pambansang antas para sa rekonsitusyon/konstitusyon o karagdagang pagtatayo ng mga kaukulang partido bilang paglilingkod sa Pandaigdigang Kilusang Komunista (PKM). Gaya ng sinabi ni Tagapangulong Mao Tse-tung, ang pagtatatag ng Partido Komunista ng Tsina ay habambuhay na binago ang mukha ng Rebolusyong Tsino. Sa kasalukuyan, ang muling pagbubuo ng mga Partido Komunista sa ilalim ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ay magbabago rin sa mukha ng rebolusyon sa bawat bansa at sa Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon. Higit sa lahat, ito ay nangangailangan ng pagpapanday ng pamumuno—ang mga nukleyong pangungunahan ng mga kasama na matatag na nagkakaisa sa ilalim ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Dalawang pwersa ang kumikilos sa rebolusyonaryong kilusan sa buong mundo: ang Pandaigdigang Kilusang Proletaryo at ang Pambansang Kilusang Paglaya. Pinaunlad ni Lenin, batay sa mga turo ni Marx, ang batayan ng estratehiya ng pandaigdigang rebolusyon upang wasakin ang imperyalismo, pag-isahin ang pakikibaka ng pambansang paglaya sa mga pakikibaka ng pandaigdigang kilusang proletaryo, at paunlarin ang rebolusyon. “Manggagawa ng lahat ng bansa at mga inaaping mamamayan ng mundo, magkaisa!”
Pinaunlad naman ni Tagapangulong Mao Tse-tung ang estratehiya at taktika ng pandaigdigang rebolusyon at itinakda ito sa konteksto ng kasalukuyang panahon: “Mga Marxista-Leninista ng lahat ng bansa, magkaisa! Mga rebolusyonaryong mamamayan ng buong mundo, magkaisa; ibagsak ang imperyalismo, makabagong rebisyunismo, at lahat ng reaksyonaryo sa iba’t ibang bansa!”
Mabuhay ang Bagong Pandaigdigang Organisasyon ng Proletaryado, ang PKL!
Mabuhay ang ika-130 na anibersaryo ng kapanganakan ni Tagapangulong Mao!
Mabuhay ang makabayaning pambansang paglaban ng mga mamamayan ng Palestina!
Magkaisa sa ilalim ng Marxismo-Leninismo-Maoismo!
Ibagsak ang rebisyonismo!
Mabuhay ang Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon!
Disyembre 26, 2023
Pandaigdigang Komunistang Liga